Ipinagmalaki ni Mayor George Suayan na positibo ang kaniyang mga kababayan sa relocation sites na iniaalok ng pamahalaan na tugon nito para sa development ng PNR South Long Haul Project mula Maynila hanggang Sorsogon.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Lucena kay Mayor Suayan, sinabi niyang bukas ang isipan ng mga taga-Candelaria at masaya ang mga ito sa ibibigay na permanenteng tahanan para sa kanila.
Paglalarawan ng alkalde, maganda at matibay ang inaasahang itatayong bahay para sa mga apektadong informal settler families.
Tatawaging Banahaw View Residences ang relocation site sa Candelaria na itatayo sa Barangay Masalukot II kung saan ang area for development ay aabot sa 48,294 square meters na may mahigit 2,400 housing units.
Sa phase 1 ng implementasyon ng proyekto, magtatayo muna ng inisyal na 619 na housing units.
Idinagdag pa ni Mayor Suayan na ‘strategic’ ang lokasyon ng relocation site na pinaglaanan ng mahigit 483 million pesos. | ulat ni Carmi Isles | RP1 Lucena