Positibo ang pagtanggap ni Speaker Martin Romualdez sa pagpapahayag ng interes ng mga negosyante sa Saudi Arabia sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa naging roundtable discussion ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay hinimok nito ang Saudi business leaders na mamuhunan sa MIF.
“This invitation represents an exciting opportunity for our nation, and I believe it will receive a positive response from the Saudi business community. It aligns perfectly with our vision of fostering international partnerships and diversifying our sources of investment for the benefit of our people,” sabi ni Romualdez.
Ilan sa mga nagpakita ng interes sa unang sovereign wealth fund ng Pilipinas ang Executive General Manager ng Public Invest Fund (PIF).
Ang PIF ang ika-anim na pinakamalaking sovereign wealth fund na may $607.42 billion asset.
Interesado rin aniya ang Chief Executive Officer (CEO) ng Jada, isa sa pinakamalaking investment company sa Saudi.
Ibinida ni Romualdez ang malaking potensyal ng Pilipinas bilang foreign investment haven, dahil sa matatag na ekonomiya, bata at may kasanayan na workforce, at istratehiyong lokasyon.
Kabilang naman sa mga maaaring pasuking investment ng Saudi companies, ang flagship infrastructure projects sa Mindanao na may ambag din sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Halimbawa nito ang P10.19 billion hydromechanical at electro-mechanical rehabilitation ng Agus IV, V, VI, VII hydroelectric power plants, at P100 million feasibility study ng Mindanao Railway Project Phase 3. | ulat ni Kathleen Forbes