Sumuko sa mga awtoridad ang isang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos masugatan at iwan ng kanyang mga kasamahan sa bundok ng Misamis Occidental.
Kinilala ni B/Gen. Elmer Suderio, kumandante ng 102nd Infantry “Igsoon” Brigade ng Philippine Army, ang sumukong rebelde na si Roldan Langheras, 27 anyos na taga Purok 5 sa Barangay Gala sa bayan ng Tudela, Misamis Occidental.
Ayon kay Gen. Suderio, si Langheras ay kusang sumuko sa mga tropa ng 10th Infantry Battalion sa Sitio Tonggo, Barangay Namut sa bayan ng Tudela.
Ayon naman kay Lt. Col. Jose Andre Monje, commanding officer ng 10th IB, si Langheras ay isa sa 12 natitirang mga kaanib ng palugmok nang Guerilla Front Sendong na kumikilos sa lalawigan ng Misamis Occidental, sa ilalim ng Western Mindanao Regional Party Committee (WMRPC).
Sinabi ni Col. Monje, ipinagtapat sa kanya ni Langheras na ang nakakapanghinang kahirapan sa bundok bunsod ng walang patid na operasyon ng militar ang nakapagtulak sa kanya na sumuko’t mamumuhay nang mapayapa.
Nangako naman si Col. Monje na susuportahan nila si Langheras sa kanyang mga pangangailangan sa panahon ng transition period, at kanilang ipapa-enroll sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). | ulat ni Lesty Cubol | RP1 Zamboanga