Pinaalalahanan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III ang mga jeepney operator at driver, na huwag agad-agad maningil ng P1 dagdag na pasahe.
Itinakda ng LTFRB na magkabisa ang provisional fare increase sa Linggo pa ngayong Oktubre 8.
Sinuman ang maningil ng dagdag-pasahe mula ngayon bago ang Linggo ay posibleng ma-revoke ang prangkisa ng kanilang jeepney.
Aniya, nagawa na nilang makapaghintay ng matagal kaya’t hintayin na lang ang araw ng pagpapatupad ng dagdag singil sa pasahe.
Sa pagpapasimula ng dagdag P1 singil sa pasahe sa Oktubre 8, hindi na rin kailangan ng mga jeepney operator na magkaroon pa ng bagong fare matrix.
Ngayong hapon nagdesisyon na ang LTFRB na aprubahan ang P1 provisional fare hike, batay sa kahilingan ng ilang jeepney transport groups sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa. | ulat ni Rey Ferrer