Kabuuang 119 na OFW, nakauwi na ng Pilipinas ayon sa DMW

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nasa 119 na mga OFW na ang nakauwi na ng Pilipinas mula sa Israel ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Ito ay kasunod ng pagbabalik bansa ngayong araw ng nasa 60 na mga OFW, kasama ang isang one-month old na sanggol at isang one-year old na bata.

Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, ang 4th batch ng mga OFW na umuwi ngayong araw ang may pinakamaraming hotel workers.

Sa impormasyon, sa 60 OFW na umuwi, 32 ang hotel workers habang 28 ang caregivers.

Ipinaliwanag ni Cacdac na kinailangan kasi ng dagdag na oras para maproseso ang pag uwi ng mga hotel worker kaya ngayon lang nakauwi ng sabay-sabay ang karamihan sa kanila.

Sa ngayon, ayon kay Cacdac ay may pinoproseso pa silang 130 na mga OFW na umuwi ng Pilipinas.

Ang mga OFW na umuwi ngayon ay binigyan ng loot bag ng DMW.

Nagbigay rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P20,000 cash aid at food assistance. May probisyon rin ang ahensya na livelihood at medical assistance

Ang TESDA, magbibigay ng skills o upskilling training para sa mga OFW at kanilang mga dependents habang ang Department of Health (DOH) ay nangako namang ibibigay at imominitor ang kakailanganing physical, medical at mental health needs ng mga umuwing OFW.

Humarap rin sa ginawang pulong balitaan ang 3 OFW mula sa batch na ito na sina Jay Meniado at Enersto Bergonio na kapwa hotel workers sa Israel at si Winnie Cañaveral na caregiver naman sa naturang bansa.

Nagpapasalamat ang mga ito sa tulong ng pamahalaan.

Ibinahagi ni Meniado na mula nang makaalis sila sa Israel hanggang dumating ngayong araw dito sa Pilipinas ay wala silang ginastos mula sa sarili nilang bulsa at sinagot lahat ng pamahalaan.

Umapela naman si Bergonio sa gobyerno na mabigyan sila ng tulong na makahanap ng ibang trabaho sa ibang bansa dahil marami pa silang dapat bayaran bilang maaga silang napauwi ng Pilipinas buhat ng kaguluhan.

Ayon kay Bergonio, limang taon ang kontrata niya sa Israel pero 11 buwan pa lang ay napilitan na siyang umuwi para matiyak ang kanyang kaligtasan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us