Rerespetuhin ng Kamara ang atas ng Korte Suprema sa ehekutibo at lehislatura na tumugon kaugnay sa petisyong inihain laban sa Republic Act (RA) 11954, o Maharlika Investment Fund Act of 2023.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, tatalima ang House of Representatives sa ‘rule of law’ at maghahain ng sagot sa loob ng 10 araw na ibinigay ng SC.
Pagbibigay diin ni Romualdez na ang pagbuo sa Maharlika Investment Fund ay para sa kabutihan ng bansa partikular sa paglago ng ekonomiya at pagkakaroon ng financial stability.
Siniguro din nito na pinagtibay nila ang panukala nang sumusunod sa legislative process at tanging iniisip ay ang interes ng mga Pilipino.
Batid din ni Romualdez na anumang pagkwestyon o alinlangan ng mga petitioner sa MIF ay dapat matalakay at mabusising maigi.
Makakaasa din aniya ang publiko na sisilipin ang reklamo ng petitioners upang masiguro ang integridad ng MIF at na ito ay nakaayon sa konstitusyon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes