Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) sa naulilang pamilya ni Marjorette Garcia na mahigpit nilang tututukan ang kaso nito.
Iyan ang binigyang-diin ni DMW Officer-In-Charge, Undersecretary Hans Leo Cacdac makaraang bumisita ito sa burol ni Marjorette sa Pangasinan kasama si OWWA Chief Arnel Ignacio nitong weekend.
Si Marjorette ang 32-taong gulang na OFW na walang habas na pinaslang ng kaniyang kasamang nangangamuhan sa Saudi Arabia noong September 16.
Ayon kay Cacdac, nasa litigation na ang kaso at may nakuha na rin silang magaling na abogado para siyang kumatawan sa kampo ni Marjorette.
Giit pa ni Cacdac, kanilang ipaaabot sa pamilya ni Marjorette ang lahat ng tulong na kakailanganin nito sa alinmang paraan sa abot ng kanilang makakaya. | ulat ni Jaymark Dagala