Ibinaba na ng La Trinidad Regional Trial Court (RTC) ang hatol nito sa mga opisyal ng nagsarang Rural Bank of Buguias – Benguet, Inc. o RB Buguias dahil sa mga sinasabing paglabag nito sa batas.
Sinasabing nilabag ng mga opisyales ng RB Buguias ang Manual of Regulations for Banks at General Banking Law of 2000 na ipinapatupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kaugnay ng The New Central Bank Act.
Sinasabing ang mga kaso ay nagsimula nang matuklasan na ang mga akusadong dating manager ng RB Buguias na sina Bryan Depalog at Lorna Lidua, kasama ang cashier at teller na si Virginia Palbusa, ay nakibahagi sa pagbibigay ng iregular at kaduda-dudang mga pautang sa mga sariling Director, Officer, Stockholder, at kanilang Related Interest o DOSRI ng bangko.
Batay sa reklamo na isinampa ng BSP, napatunayan ng korte na ang lahat ng akusado ay nagkasala sa mga probisyon ng batas na may kinalaman sa mga pautang na ibinigay sa DOSRI at pakikilahok sa mapanlinlang na mga transaksyon.
Ang korte ay nag-utos kay Depalog, Lidua, at Palbusa na magbayad ng multa mula P100,000 hanggang P300,000.
Patuloy naman na itinataguyod ng BSP ang mabuting pamamahala sa mga financial institutions na binabantayan nito upang mapanatili ang katatagan ng financial system at maprotektahan ang interes ng publiko.| ulat ni EJ Lazaro