Inanunsyo ngayon ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III na muling magbabalik ang libreng sakay sa ilalim ng service contracting program ng pamahalaan.
Ayon kay Chair Guadiz, hinihintay nalang nila ang P1.3-B pondo na posibleng maibaba na ngayong Oktubre ng DOTR.
Target ipatupad ang libreng sakay simula sa Nobyembre na saklaw ang mga bus sa EDSA Bus Carousel pati ang mga modern at traditional jeepney na nakapag-consolidate na.
Kabilang naman sa unang makikinabang rito ang mga commuter sa Metro Manila.
Pagtitiyak ni Guadiz, sapat ang pondo ng ahensya para sa inisyal na dalawang buwang libreng sakay.
Samantala, sinabi rin ni Guadiz na maging ang mga pampasaherong sasakyan na hindi nabayaran sa contracting scheme na pumasada noong pandemic ay babayaran na rin ng LTFRB. | ulat ni Merry Ann Bastasa