Ikinatuwa ng asosasyon ng local farmers ng lalawigan ng Isabela ang mataas na kita sa kanilang palay dahil sa suporta ng Department of Agriculture at ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Noel Baquiran, Municipal Agriculturist ng Tumauini, Isabela, maayos ang kita ng mga magsasaka ngayong wet season ng taong 2023.
Aniya, bumaba ang gastos ng mga magsasaka dahil sa mga suporta ng DA at sa P2 subsidy ng Isabela Provincial Government na dagdag pa sa mataas na buying price ng National Food Authority.
Para naman sa Federation of Irrigators’ Associations in Isabela, naibebenta nila ang fresh palay ng P20 kada kilo, P26 naman sa dry palay.
Pinasalmatan ng mga magsasaka si Pangulong Marcos Jr. dahil sa suportang binhi at abono ng DA sa apat na libong magsasaka na nagtatanim sa mahigit 3,000 ektaryang lupa sa Tumauini, Isabela.
Base sa datos ng DA Regional Field Office ng Cagayan Valley, 5 metric tons kada ektarya ang average yield na may average gross income ng Php 112,000 ang bawat asosasyon.
Sa kabuuan ng wet season ngayong 2023, umaabot na sa 326,301 ektarya na ang naitanim na palay sa lalawigan ng Isabela, na may target production ng 606,826 tonelada ng palay.
Hanggang Setyembre 30, aabot sa 108,528 ektarya na ang naani ng mga magsasaka, na umaabot sa produksyon na 453,400 metric tons ng palay. | ulat ni Rey Ferrer