Napuna ni Senador Joel Villanueva ang hindi maabot na target na mga iskolar para Doktor Para sa Bayan program ng gobyerno.
Sa pagdinig ng panukalang 2024 budget ng Commission on Higher Education (CHED) iprinesenta ni Villanueva ang datos kung saan para sa academic year 2021-2022, sa 900 slots para sa mga scholars ay 425 lang ang napunan o katumbas ng 47% habang nasa P89.89-million lang sa P250-million na alloted fund ang na-disburse.
Nitong academic year 2022 – 2023, 79% lang o 1,406 scholars sa 1800 slots ang napunan habang nasa P244-million lang sa P500-million na alloted fund ang na-disburse.
Dahil dito, tinanong ni Senador Joel Villanueva ang rason kung bakit hindi makamit ang target slots.
Ipinaliwanag naman ni CHED Chairman Prospero de Vera na marami sa mga medical school na nagbukas ay limitado lang sa isang section ang tinanggap.
Idinagdag rin ni De Vera na rason rin ang maliit na pasilidad at hindi sapat na faculty members ng ilang mga unibersidad.
Matatandaang sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan law ay bibigyan ng gobyerno ng scholarship ang mga kwalipikadong benepisyaryo na nais mag-aral ng kursong medisina, kapalit nito ay dapat silang magsilbi sa government health facilities ng ilang taon kapag naging ganap na doktor na sila.
Pero ayon kay De Vera, ilang mga mag-aaral sa private schools ang nag-aatubiling mag-avail ng programang ito dahil sa return service requirement.
Kaugnay nito nangako ang opsiyal na mas magiging agresibo ang ahensya sa promosyon ng medical scholarship program ng gobyerno. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion