Umaasa ang grupo ng mga mangingisda na PAMALAKAYA sa agarang pag-usad ng imbestigasyon sa nangyaring pagbangga ng isang foreign commercial vessel sa bangkang pangisda sa Bajo de Masinloc na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong mangingisda.
Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na nakakalungkot ang sinapit ng mga Pilipinong mangingisda sa mismong karagatang sakop ng bansa.
Para sa PAMALAKAYA, dapat na matiyak na magiging ‘impartial’ o walang kikilingan ang imbestigasyon sa naturang insidente at mapapanagot ang mga nasa likod nito.
Hiling din ng grupo na mabigyan ng tulong ng pamahalaan ang kaanak ng mga nasawi at gayundin ang iba pang mangingisda na sakay ng bangka.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), kabilang sa nasawi sa insidente ang kapitan mismo ng FFB Dearyn habang may 11 crew member naman ang nakabalik sa Brgy. Cato, Infanta sa Pangasinan nitong Martes. | ulat ni Merry Ann Bastasa