Dumaraing ang mga magulang ng batang biktima dahil sa tila panggigipit naman sa kanila ng punerarya kung saan naroon ang labi ng binatilyong biktima.
Ayon sa Ina ng biktima na si Aling Elana, sinisingil sila ng San Pedro Calungsod Funeral Services ng P42,000 para sa pagpoproseso sa labi ng kanilang anak.
Laking gulat na lamang ng ginang dahil ibang punerarya naman ang nakausap niya, pero kinuha ng ibang tao ang labi ng kaniyang anak at nagpakilalang pamangkin ng Barangay Chairperson sa Mayamot kung saan sila nakatira.
Dahil dito, abot-abot ang pighating naranasan ng ginang dahil ang orihinal na plano, sa Heaven’s Gate Funeral homes sa Mambugan nila dadalhin ang labi ng kanilang anak, dahil nasa P18,000 lamang ang sinisingil nito sa kanila.
Kasalukuyang nasa freezer ng Funeraria Tandog ang labi ng biktima, dahil dito ito ipinasa ng San Pedro Calungod Funeral Services, at para makuha ito kailangang magbayad ng P10,000.
Sinusubukan pa namin kunin ang panig ng San Pedro Calungsod Funeral Services subalit walang magnais na humarap dito para magsalita. | ulat ni Jaymark Dagala