Majority at minority solons, nagkasundo para pag-isahin ang panukalang mag-oobliga sa non-custodial parent na magbigay sustento sa anak

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagsanib pwersa sila House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza para isulong ang proteksyon sa mga solo parent at panagutin ang mga magulang na ayaw magbigay ng suporta sa kanilang mga anak.

Sa isang panayam sinabi ni Daza na nais nilang pagsamahin ni Tulfo, ang kanilang House Bill No. 44 o “Child Support Bill” at House Bill No.8987 o “An Act Punishing the Willful Failure to Pay Paternal Child Support” sa pamamagitan ng “Anti-Balasubas Bill”.

Dito oobligahin ang isang ama o ina na magbigay ng sapat na suporta sa kanilang iniwanang anak ito man ay legitimate o illegitimate.

Ayon kay Tulfo at Daza, sa ilalim ng “Anti-Balasubas Bill” tutulungan ang mga ina o ama na magkaroon ng trabaho nang sa gayon ay makapagbigay ng financial support sa kanilang mga anak.

“Dapat isipin ng mga magulang na obligasyon nila na maibigay ang pangangailangan ng kanilang mga anak kahit pa wala ito sa kanilang kustodiya,” ayon kay Daza.

Sa House Bill No.44 ni Daza, ipinapanukala ang pagbibigay ng buwanang sustento ng mga magulang na hindi nagpapalaki sa kanilang mga anak ng hindi bababa sa ₱6,000 kada buwan.

Itatatag din ang isang National Child Support Program (NCSP.)

Habang sa House Bill No.8987 naman ni Tulfo kasama ang kanyang mga mambabatas sa ACT-CIS Partylist na sina Representatives Jocelyn Tulfo at Edvic Yap at dalawa pang solon na sin Benguet Representative Eric Yap at Quezon City 2nd District Representative Ralph Tulfo— ay magtatakda ng 10 porsiyento na kita ng isang ama o sustento na hindi bababa sa ₱6,000.

Maaaring makulong ng hanggang 12 taon at multa na ₱100,000 hanggang ₱300,000 ang ama na hindi magbibigay ng financial support.

“Kaya inaayos namin at tuloy-tuloy ang aming pakikipagpulong at konsultasyon para maayos itong batas at gusto naming maseguro na mapo-proteksyunan ang mga solo parent at kanilang mga anak,” ani Tulfo.

Naniniwala ang dalawang kongresista na sa panukalang “Anti Balasubas Bill” magkakaroon ng proteksyon ang mga batang iniwan ng kanilang magulang. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us