Binigyang-linaw ni House Majority Leader Mannix Dalipe na walang Confidential o Intelligence Fund ang House of Representatives na nagkakahalaga ng ₱1.6-billion.
Matatandaan na kumalat sa social media na mayroong ₱1.6-billion na CIF ang Kamara ngayong 2023.
Kalaunan, nilinaw ng House Appropriations small committee na ang naturang halaga ay extra ordinary expense.
Hindi rin totoo ani Dalipe ang alegasyon na ang naturang pondo ay napupunta at sinasarili lang ni House Speaker Martin Romualdez.
Aniya, pantay itong pinaghahatian ng higit sa 300 kongresista at ginagamit sa operasyon ng kani-kanilang tanggapan.
“Yung sinasabi niyang Intelligence Fund, wala naman talagang intelligence fund ang House of Representatives. At yung akusasyon na yung, may ₱1.6-billion pesos na ang insinuation nga ay napupunta lang kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ‘di po totoo yan. Alam ng lahat ng congressman yung ₱1.6-billion ay pinaghahatian equally to all members for their operation… So we would like to set the record straight that no one person has monopoly of [the] ₱1.6-billion pesos annually. It is distributed to all the 312 House members and each and every House member alam po nila yan,” diin ni Dalipe.
Sinabi rin nito na ang naturang pondo ay dumadaan sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA).
Aniya lahat ng kongresista, mapa-district representative o party-list ay sumasailalim sa auditing ng COA.
Katunayan, sa hiwalay na panayam kay House Secretary General Reginal Velasco, sinabi nito na kada buwan dumadaan sa auditing ang Kamara.
“…Lahat ng congressman, 312 congressman ngayon sa 19th Congress, can attest that lahat naman kami nagre-report kung anong kailangan ng Commission on Audit. Nire-report ng bawat congressman, bawat isang representante, whether it is a congressional district or a party-list representative lahat po kami, hindi exempted sa mga hinihingi ng COA,” dagdag ni Dalipe. | ulat ni Kathleen Jean Forbes