Magandang balita para sa Department of Agriculture (DA) ang kumpirmasyon mula sa Indian government na inilaan nito sa Pilipinas ang pinakamalaking alokasyon ng bigas.
Batay sa Indian Embassy, aabot sa 295,000 metriko tonelada ng non-basmati white rice ang isusuplay ng India sa Pilipinas.
Sa panayam sa media, sinabi ni DA Undersecretary Mercedita Sombilla na makatutulong ang aangkating bigas mula sa India para matugunan ang kakailanganing suplay ng bigas sa bansa lalo na’t patapos na naman ang harvest season.
Ayon pa kay Usec. Sombilla, ang malaking volume ng bigas na magmumula sa India ay makatutulong din upang malampasan ang inaasahang epekto ng El Niño sa mga pananim.
Kasunod nito, umaasa rin ang DA na magreresulta ang paparating na karagdagang suplay ng bigas sa pagbaba rin ng presyo nito sa merkado. | ulat ni Merry Ann Bastasa