Nagbunga ang pagsisikap, sakripisyo, at panahon na iginugol ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa pagpaplano at paghahanda upang masiguro ang mapayapa at ligtas na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Visayas Region.
Ito ang inihayag ni AFP Visayas Command (VISCOM) Commander Lieutenant General Benedict Arevalo sa isang statement kasunod ng aniya’y matagumpay na pagdaraos ng election sa rehiyon.
Ayon kay Lt. Gen. Arevalo, “Very peaceful” ang kanilang naging assessment sa naganap na botohan sa Visayas.
Malaki aniya ang naging bahagi ng mga idineploy na security forces partikular na sa mga election areas of concern para matiyak ang maayos, mapayapa at ligtas na halalang pambarangay sa rehiyon.
Dahil dito, sinaluduhan ni Lt. Gen. Arevalo ang mga tropa ng militar, mga guro, Comelec, at mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa kanilang ipinakitang “Highest standard of professionalism” sa BSKE 2023. | ulat ni Leo Sarne