Pinuna ni Senador Francis Tolentino ang mahirap na regulasyon na pinapatupad ng Maritime Industry Authority (MARINA) para sa pagkuha ng fishing permit ng mga mangingisdang Pilipino.
Sa naging pagdinig ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, ibinagi ng isa sa mga mangingisdang nakaligtas sa maritime collision sa Pangasinan nitong Oktubre na si Michael An na nahihirapan ang mga mangingisda na mairehistro ang kanilang mga bangka o barko dahil sa MARINA central office sa Maynila kailangang isumite ang mga dokumento.
Dahil dito, iminungkahi ni Tolentino sa MARINA na dapat sila ang lumapit sa mga mangingisda at magtayo ng satellite office para maging mas madali ang proseso ng pagpaparehistro.
Sinalaysay rin ng mga mangingisda na kinukumpiska rin ng ilang tauhan ng MARINA ang mga huli nilang isda kapag hindi sila nakakapagpakita ng certification requirement.
Bagamat itinanggi ni MARINA Enforcement Service Officer Atty. Benedicto Manlapaz ang pangungumpiska ng huling isda, pinayuhan ni Senador Francis Tolentino ang mga mangingisda na maghain ng pormal na report sa ganitong mga insidente sa kanilang Senate Special Committee.
Nangako rin ang MARINA na makikipag-ugnayan sa mga mangingisda para maimbestigahan kung may mga tauhan silang nasasangkot sa ganitong pangungumpiska ng huling isda. | ulat ni Nimfa Asuncion