Itinutulak ni Bicol Saro party-list Rep. Brian Yamsuan na magkaroon ng mas mahigpit na panuntunan ang mga establishimento o sanlaan na bumibili ng second hand na mga smartphone.
Layon ng House Bill 7969 na inihain ni Yamsuan kasama si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, na mahinto ang ‘street crimes’ lalo na ang pagnanakaw ng naturang mga gadget.
Aamyendahan ng panukala ang Presidential Decree No,. 1612 Anti-Fencing Law kung saan hihingi ng mas mahigpit na rekisitos ang mga establishimento at pawnshop bago bilhin ang second hand mobile phones.
Bago kunin ang cellphone, kailangan makapagpresenta ang nagbebenta ng second hand goods ng clearance mula sa National Telecommunications Commission (NTC) maliban pa sa proof of purchase o ownership.
Kailangan din makakuha ng clearance ng tindahan mula sa station commander ng Philippine National Police (PNP) sa lugar kung saan ito matatagpuan.
Ang mga lalabag naman sa oras na ito ay maisabatas ay maaaring maharap sa pagbawi ng operation permit maliban pa sa parusang nakasaad na sa Anti-Fencing Law.
“These requirements may appear to be cumbersome, but they are necessary to prevent the rise in street crimes involving the stealing of smartphones, which not only lead to loss of property but, in some unfortunate cases, to loss of lives as well,” ani Yamsuan.
Tinukoy ng mambabatas na ang krimen kaugnay sa pagnanakaw ng cellphone ay tumaas nang payagan ng mga pawnshop ang pagsasanla ng smartphones.
Ayon sa datos ng NTC noong 2019, nakatanggap sila ng 34, 353 cell phone blocking requests na maiuugnay sa nawala o nanakaw na cellphone. | ulat ni Kathleen Jean Forbes