Kasado na ang Oplan Biyaheng Ayos sa MRT-3 ngayong nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) Elections gayundin ang paggunita ng Undas.
Sa ilalim nito, sisimulan nang paigtingin ang seguridad sa buong linya ng tren upang masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero.
Inaasahan kasing dadagsa ang mga pasaherong boboto para sa BSKE gayundin ang mga biyaherong luluwas sa kani-kanilang probinsya ngayong linggo para sa nalalapit na All Saints’ Day and All Souls’ Day.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino, asahan na ang pagpapairal ng mas mahigpit na seguridad sa tren gayundin ang deployment ng mga security marshall at kawani upang matiyak ang tuloy-tuloy at ligtas na biyahe ng mga pasahero sa eleksyon at Undas.
Ito ay sang-ayon aniya sa direktiba ng DOTr na siguruhing sapat at ligtas ang pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
Kaugnay nito, tiniyak rin ni Asec. Aquino, na
tuloy-tuloy pa rin ang pagde-deploy ng sapat na bilang ng mga tren upang mapagserbisyuhan ang mga pasahero lalo na sa kasagsagan ng Barangay at SK Elections at Undas.
Sa kasalukuyan, mayroong 18 train sets na tumatakbo sa revenue tuwing peak hours at nasa tatlo hanggang apat naman ang spare trains. | ulat ni Merry Ann Bastasa