Positibo si Appropriations Senior Vice-Chair Stella Quimbo na magiging mas malinaw na ang panuntunan sa paglalaan ng confidential funds sa mga ahensya ng gobyerno sa mga susunod na budget.
Ito ay kasunod ng ginawang paglilipat ng confidential fund (CF) ng ilang ahensya, na wala namang kinalaman sa surveillance at intelligence gathering patungo sa mga tanggapan na ang pangunahing mandato ay magbantay ng seguridad ng bansa.
Ayon kay Quimbo, dahil na rin sa hiling ng publiko na maging transparent sa paggugol ng pondo at ginawang pag-rationalize ng Kamara sa CF sa panukalang 2024 budget ay mas magiging masinop na ang Department of Budget and Management (DBM) sa pagbibigay ng confidential fund, sa susunod na bubuuing National Expenditure Program.
Paliwanag ng economist solon, ang DBM naman kasi ang bumubuo ng panukalang budget habang ang Kongreso naman ang bubusisi at magsasaayos nito.
Oras naman na maisalang sa bicam ang 2024 General Appropriations bill ay doon paplantsahin ang special provisions patungkol sa depinisyon at safeguards ng confidential fund. | ulat ni Kathleen Forbes