Pinunto ni Sen. Grace Poe ang tila paglalaan ng mas malaking pondo para sa pagpapatayo ng mga multi purpose buidlings kaysa sa mga bagong school building sa ilalim ng panukalang 2024 national budget.
Sa budget hearing sa 2024 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), tinukoy ni Poe ang may P41.19 billion na pondong nakalaan para sa mga bagong multi purpose building samantalang nasa P26.12 billion lang ang pondo para sa mga bagong gusali ng mga paaralan.
Para sa senadora, hindi ito katanggap-tanggap lalo na kung ikokonsiderang kulang ang bansa ng 159,000 na mga silid aralan.
Ipinaliwanag naman ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na ang pondo para sa multi purpose buidlings ay ibinabase sa priority infrastructure projects na tinutukoy ng mga miyembro ng Kongreso.
Pero giniit ni Poe na dapat ay may awtoridad pa rin ang DPWH na tukuyin kung ano ang mga imprastraktura na dapat na bigyang prayoridad.
Sagot naman ni Bonoan, maaari lang silang magbigay ng suhestiyon pero ang huling desisyon ay ibabase pa rin sa prayoridad ng mga distrito.| ulat ni Nimfa Asuncion