Pasado alas-4 ng hapon nitong Lunes, nang tuluyang maibalik ang official website ng House of Representatives, matapos makaranas ng defacement nitong nakaraang Linggo.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, bagamat hindi masasabing hacking ang nangyari dahil wala naman datos o impormasyon na nakuha ay naghahanda na sila sa worst case scenario.
Posible aniya na sinusubukan lang ng ng indibidwal o grupo na nasa likod ng defacement ng website kung gaano ka-vulnerable ang kanilang cyber security.
At dahil aminado na kulang sa gamit at tao, gaya ng ipinunto ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ay sinisimulan na nilang palakasin ang IT team ng Kamara.
Isa rin sa inaaral nila ngayon ay ang pag-outsource ng IT team na tutulong sa pagpapalakas ng kanilang cybersecurity. | ulat ni Kathleen Jean Forbes