Isinisisi ng mga tindero sa Marikina City Public Market ang pananatiling mataas ng presyo ng karneng baboy sa papalapit na Pasko at mataas pa ring presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito’y sa kabila ng ipinatupad na ₱3 rollback ng mga kumpanya ng langis sa kanilang mga produkto kahapon.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nasa ₱360 ang kada kilo ng liempo, habang ₱320 naman ang kada kilo ng kasim.
Mas mataas yan kumpara sa dapat na presyuhan ng baboy ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines na ₱300 sa kilo ng kasim at hanggang ₱350 sa kilo ng liempo.
Pinangangambahan naman ng mga tindero ng baboy na habang patapos ang taon ay magkaroon ng problema sa suplay nito dahil na rin sa mataas na demand na magreresulta naman sa lalong pagtaas ng presyo.
Una rito, pinag-aaralan ng Department of Agriculture ang pag-aangkat ng baboy dahil sa mataas na demand at nababawasang lokal na suplay dulot ng African Swine Fever (ASF). | ulat ni Jaymark Dagala