Inimbitahan ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang mga business group mula sa New Zealand na mamuhunan sa mga big-ticket transport infrastructure project ng Pilipinas.
Ginawa ni Bautista ang panawagan sa ginanap na Philippines-New Zealand Business Council General Membership Meeting, kahapon.
Ayon sa kalihim, malaki ang pondong kinakailangan para sa mga nakalatag na mga transport infrastructure project ng bansa, kaya aniya nakikipagtulungan ang pamahalaan sa pribadong sektor upang maisakatuparan ang mga proyekto.
Ipinunto rin ni Bautista ang ilang international institutions at iba pang developmental partners ng pamahalaan, na tumulong na pondohon ang mga proyekto kabilang na rito ang Japan International Cooperation Agency (JICA) at Asian Development Bank.
Kabilang naman sa mga big-ticket infrastructure project ng bansa na ibinahagi ni Bautista ang privatization ng Ninoy Aquino International Airport, konstruksyon ng Bukidnon Airport, Catbalogan, Dumaguete, Tacloban, at Kalibo Airport Developments, pati na ang New Manila International Airport Project. | ulat ni Diane Lear