Nagsampa na ng kaso ang Office of the Ombudsman laban sa mga dating opisyal ng Department of Health kaugnay sa kontrobersyal na Dengvaxia.
Mga kasong graft at article 220 ng revised penal code o ang ‘illegal use of public funds or property’ ang isinampa ng government prosecutors laban sa mga opisyal na nasa likod ng noo’y implementasyon ng Dengvaxia Immunization Program.
Kabilang sa sinampahan ay sina Former Health Sec. at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Loreto-Garin, DOH Usec. Kenneth Y. Hartigan-Go, DOH OIC-Dir. Maria Joyce U. Ducusin at Philippine Children’s Medical Center (PCMC) Executive Dir. Julius A. Lecciones.
Sa naturang kaso, sinasabing nagsabwatan umano ang nabanggit na mga opisyal upang gamitin ang P3.5 bilyon para sa expanded program for immunization sa pagbili ng Dengvaxia vaccines.
Ito ay kahit na hindi naman kasama sa programa ang pagbili ng nabanggit na bakuna maging sa volume 1 ng Philippine National Drug Formulary o nakakuha ng exemption. | ulat ni Merry Ann Bastasa