Nagbabala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga kumakandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) Elections na huwag nang magtangkang gumawa ng iba’t ibang gimik gaya ng Bingo games para lang makapamili ng boto.
Sa isang pahayag, iginiit ng kalihim na matagal nang bistado ang mga ganitong pakulo na paggamit ng Bingo games o iba pang papremyo para itago ang pagbili ng boto.
Babala nito, huwag nang subukan pa ng mga kandidato ang ganitong istilo dahil tiyak na mahuhuli lang at makakasuhan sila.
Ayon kay Sec. Abalos, sa ilalim ng Commission on Elections (COMELEC) Resolution no. 10946, kasama sa itinuturing na vote buying ang pagdadaos ng Bingo games, talent shows, o iba pang aktibidad na may papremyo lalo na kung nababanggit pa ang pangalan ng kumakandidato.
Una na ring nagbabala si DILG Sec. Abalos sa mga kumakandidato ngayong BSK Elections na huwag nang tangkaing bumili ng boto sa pamamagitan ng mga e-payment platforms. | ulat ni Merry Ann Bastasa