Nagkasa na rin ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga napaulat na sunod-sunod na namang karahasan sa mga kabataan.
Kabilang dito ang kaso ng ginahasa at pinaslang na tatlong taong gulang na bata sa Sultan Kudarat at pati ang pagkasawi ng isang Grade 5 student sa Antipolo, Rizal na umano’y sinampal ng kanyang guro.
Sa isang pahayag, sinabi ng CHR na mariin nitong kinokondena ang mga karahasan na nagdudulot ng banta sa kaligtasan ng mga kabataan.
“We underscore the importance of recognizing the individuality and rights of children whose physical and mental vulnerabilities should not relegate them from receiving equal and proper treatment from adults who are supposedly responsible for their welfare and protection.”
Nagpaabot rin ito ng pakikiramay sa kaanak ng dalawang batang nasawi.
Kasunod nito, nanawagan ang CHR sa agarang pagkamit ng hustisya at pagpapanagot sa mga nasa likod ng krimen.
“CHR looks forward to the immediate resolution of these incidents consistent with relevant laws that protect the rights of children. We also amplify the families’ call for justice by urging concerned government agencies to extend their support and assistance.”
Muli ring hinikayat ng CHR ang mga awtoridad na umaksyon nang matigil ang mga ganitong karahasan sa mga kabataan. | ulat ni Merry Ann Bastasa