Binuweltahan ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang mga kritiko na bumabatikos sa confidential fund na kaniyang inihihirit sa Kongreso.
Sa kaniyang pagdalo sa ika-122 anibersaryo ng Police Service sa Agusan Provincial Police Office sa Camp Rafael Rodriguez, Butuan City, binigyang diin nito na ang mga kritiko ng confidential fund ay maituturing na tutol sa kapayapaan at kaayusan.
Dahil dito, kaniyang sinabi na ang mga ayaw sa kapayapaan at kaayusan ay malinaw na kumakalaban sa estado kaya’t dapat silang ituring na kalaban ng bayan.
“Makinig kayo sa lahat ng sinasabi sa palibot ninyo at tandaan ninyo, kung sino man kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayaan ay kalaban ng bayan.”, ayon kay VP Sara Duterte.
Giit pa ng Pangalawang Pangulo na kailangang bigyan ng ibayong pansin ang kapayapaan at kaayusan dahil dito aniya aangkla ang pagkakaroon ng kaunlaran at maayos na edukasyon sa mga kabataan.
Maliban sa pagiging Education Secretary, nagsisilbi ring co-Vice Chair ng National Task Force to End Local Terrorist Armed Conflict o NTF-ELCAC. | ulat ni Jaymark Dagala