Bumuhos ang pakikiramay sa mga naulila at naiwan ni Marjorette Garcia, ang OFW na karumal-dumal na pinatay ng kanyang kasamahan sa trabaho sa Saudi Arabia.
Dumagsa ang mga opisyal ng gobyerno upang bigyang pugay ang sakripisyong ipinamalas ni Marjorette sa kanyang pamilya sa ginanap na Hero’s Welcome kahapon, ika-14 Oktubre 2023.
Dumalo ang mga lokal na opiyal ng Pangasinan kabilang sina Pangasinan Governor Ramon Guico III, Vice Governor Mark Lambino, 4th District Congressman Christopher De Venecia, Dagupan City Mayor Belen Fernandez, at representative ni San Jacinto Vice Mayor Robert O. De Vera.
Sa naging pahayag ng mga lokal na opisyal, binigyang diin ang ipinakitang kagitingan ni Marjorette dahil sa sakripisyong ginawa nito para sa kanyang pamilya at sa paghahanap buhay kahit na malayo sa pamilya.
Dagdag dito, Nakiisa ang mga opisyal sa publiko sa patuloy na panawagang mabilis na makuha ang hustisya sa sinapit ni Marjorette sa ibang bansa.
Sa naging pahayag ni Mayor Belen Fernandez, inilalarawan umano ni Marjorette ang mga Pilipino bilang manggagawa sa loob at labas ng ating bansa.
Kinondena rin ang karahasang nararanasan ng mga OFW at nanawagan ng mas mahigpit na seguridad para sa mga Pilipinong nangingibang bayan. | ulat ni Ricky Casipit | RP1 Dagupan