Pumalo na sa 1,615 ang mga indibidwal na dinakip ng Philippine National Police (PNP) nang dahil sa paglabag sa umiiral na election gun ban sa bansa.
Ito’y sa gitna ng kampanya ng pulisya habang papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Batay sa datos na inilabas ni PNP-Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, bukod sa lumalaking bilang ng naaresto, umabot na rin sa 1,210 armas ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Nasa 2,194 na mga armas ang idineposito para sa safekeeping; at 1,483 naman ang kusang isinuko.
Samantala, nakapagtala na ang PNP ng 97 insidente bago ang takdang halalan sa Oktubre 30.
Sa kabuuang bilang, 18 sa mga ito ang may kaugnayan sa BSKE na kinabibilangan naman ng 12 insidente ng pamamaril; 2 kidnapping; 1 grave threat; 1 indiscriminate firing; 1 gun ban violation; at isang (1) armed encounter.
Patuloy ding isinasailalim sa validation ang 13 suspected election-related incidents na kinabibilangan ng 2 pamamaril; 2 physical injuries; 2 assault; 2 paglabag sa gun ban; 2 pambubugbog; 1 harassment; 1 pananaksak, at isang armed encounter. | ulat ni Rey Ferrer