Inalerto ng pamunuan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan ang kanilang mga residenteng nakatira malapit sa Sinucalan River kasunod ng bagyong Jenny.
Sa abiso ng tanggapan sa pamumuno ni MDRRM Officer Raymond Santos, dapat na paghandaan ng mga residente lalo na sa mga nakatira malapit sa ilog ang posibleng malakas na pagbuhos ng ulan sanhi ng bagyo na maaring makaapekto sa antas ng tubig sa Sinucalan River.
Posible naman umano itong magresulta ng pagbaha lalo na sa mga mabababang lugar.
Kasabay rin nito ang abiso sa kanilang counterpart sa mga barangay na manatiling aktibo at alerto para sa mga posibleng epekto ng bagyo sa kanilang nasasakupan.
Una rito, nagsagawa na rin ng Disaster Briefing ang mga kawani ng MDRRM-Operations Section Unit, MDRRM-Emergency Response Unit (RESCUE), at mga staff ng kanilang Operation Center bilang paghahanda para sa mga posibleng maging epekto ng Bagyong “Jenny” sa kanilang bayan.
Matatandaan na sa nakalipas na bagyong Egay ay umapaw ang Sinucalan River na nagdulot ng pagbaha sa ilang barangay sa Sta. Barbara gayundin sa kalapit bayan na Calasiao at Lungsod ng Dagupan. | ulat ni Sarah Cayabyab | RP1 Dagupan