Aabot sa mahigit $32 bilyon ang mga nakuhang loan at grant ng Pilipinas sa ilalim ng Official Development Assistance o ODA noong isang taon.
Iyan ang iniulat ng National Economic and Development Authority o NEDA bilang resulta na rin ng mga naging pagbiyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong 2022
Kabilang dito ang mga programang tumutugon sa epektong dulot ng COVID-19 pandemic gayundin ang mga proyektong nakalaan naman para sa muling pagbangon matapos ang pandemya.
Batay kasi sa Official ODA Portfolio Review report ng NEDA para sa taong 2022, tumanggap ang Pilipinas ng 106 loans na nagkakahalaga ng $30.20 bilyon at 320 grants na nagkakahalaga naman ng $2.20 bilyon.
Nagmula ito sa 20 development partners kabilang na ang Asian Development Bank na may pinakamalaking ambag na mayroong 33 porsyento ng kabuuang ODA sa bansa. | ulat ni Jaymark Dagala