Matagumpay na nailikas ngayong umaga ng Naval Forces Central ang 30 stranded na pasahero ng MV Filipinas Butuan na sumadsad sa Sta Fe, Bantayan Island, Cebu.
Ang rescue mission na nakumpleto kaninang 10:40 ng umaga ay nilahukan ng BRP Filipino Flojo (PC386) sa pamumuno ni Lt. Commander Marlon A. Pacaanas.
Mabilis na idinispatsa ng Naval Forces Central ang BRP Filipino Flojo matapos na matanggap ang distress call ng barko na sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatan ng Bantayan island kahapon.
Kasama ng barko ng Philippine Navy ang BRP Cape San Agustin ng Philippine Coast Guard na nagsakay at naghatid ng mga stranded na pasahero at crew sa Iloilo City Pier.
Pinuri ni Naval Forces Central Commander Commodore Florante Gagua ang mga Naval personnel na bahagi ng rescue mission, at sinabing ang mabilis na pagresponde at ligtas na pagsasagawa ng operasyon ay testamento ng dedikasyon ng Philippine Navy na pangalagaan ang kaligtasan ng buhay sa karagatan. | ulat ni Leo Sarne
📷: NFC