Ayon sa datos ng Cebu Port Authority, umabot na sa 123,120 pasahero ang dumaan sa pantalan sa lalawigan ng Cebu mula October 27, ang pagsisimula ng “Oplan Biyaheng Ayos” hanggang kahapon, October 28, 2023.
Kabilang na rito ang 52,035 arrival at 71, 085 departure sa nakaraang dalawang araw.
Paliwanag ng CPA, mas mataas ang day 1 ngayong taon na umabot sa 51,963 pasahero na ang bumiyahe ngayong October 27 kung ikukumpara sa 6,000 passengers lamang na bumiyahe sa unang araw ng Oplan Biyaheng Ayos sa taong 2022.
Inaasahan na ng awtoridad ang pagtaas ng bilang ng pasahero ngayong taon kung kaya’t naka-alerto ang kapolisan, maritime police, Philippine Coast Guard, at mga augmentation forces sa bawat pantalan sa buong Cebu Province.
Bukod sa security forces, naka-deploy din sa mga pantalan sa buong lalawigan ang mga K-9 units upang tumulong sa pagsugpo sa mga kontrabando na susubukang itawid sa seaports.
Hinimok naman ng CPA ang publiko na siguraduhing sa lehitimong ticketing outlet lamang makipagtransaksyon upang maiwasan ang aberya sa kanilang biyahe.
Bukod pa dito, agahan din umano ang pagpunta sa pantalan upang hindi maiwan sa kanilang naka-schedule na biyahe dahil mataas ang pila sa ticketing outlets, security screening, at check in counters. | ulat ni Jessa Agua-Ylanan | RP1 Cebu