Patuloy ang mariing pakikiusap ng Embahada ng Pilipinas sa Cairo sa lahat ng Pilipinong naninirahan sa Sudan na agad na umalis sa nasabing bansa. Kasabay ito ng pagbubukas ng mga direct flight mula Port Sudan patungong Cairo.
Ayon sa Embahada ng Pilipinas, para sa mga Pilipinong nais na lumikas, maaring pumunta sa Port Sudan. Pero bago ito, siguraduhin munang ipadala sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng pag-email o WhatsApp ang kanilang buong pangalan, contact number, kopya ng passport, at petsa kung kailan magtutungo sa Port Sundan.
Mahalagang ipaalam din sa Embahada kung mayroong problema tungkol sa passport at Sudanese residence visa.
Siguraduhin din ng mga lilikas, ayon sa Embahada, ang pagsasaayos ng kanilang transportation at accommodation sa Port Sudan. Siguraduhin ring may sapat na pera para sa gastusin sa pagkain, tubig, at tirahan.
Habang ang Embahada naman ang tutulong sa pag-aayos ng repatriation flights mula Port Sudan patungong Cairo at papuntang Pilipinas.
At kung nagpasyang manatili pa rin sa Sudan, kailangang magbigay pa rin ng mga impormasyon sa Embahada, kabilang ang buong pangalan, contact details, lokasyon sa Sudan, dahilan ng pananatili, detalye ng employer o kamag-anak, emergency contact sa Pilipinas, at status ng pasaporte.
Dagdag dito, hinihikayat din ang mga Pilipino sa Sudan na manatiling maalam at makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Cairo sa pamamagitan ng WhatsApp, Facebook Messenger (PHinEgypt), o email ([email protected]) para sa karagdagang impormasyon at assistance. | ulat ni EJ Lazaro