Kinilala ni House Committee on Senior Citizens Chair at Senior Citizens party-list Rep. Rodolfo Ordanes ang mga OFW sa Israel, partikular ang caregivers.
Aniya, natatangi ang ipinakitang pagmamalasakit ng mga Pinoy caregiver na hindi iniwan ang kanilang mga inaalagaang nakatatanda at bata sa gitna ng nangyayaring sigalot doon.
“Dakila ang malasakit ng OFW caregivers sa Israel na ayaw iwan ang kanilang mga inaalagaang seniors at bata, sa gitna ng giyera doon.” Ani Ordanes
Isa sa dalawang Pilipinong nasawi sa gulo sa Israel ay 33-anyos na babae mula Pangasinan.
Hindi niya iniwan ang kaniyang inaalagaang nakatatanda sa Kibbutz Kfar Gaza kahit pa may pagkakataon na lumikas.
Kapwa sila pinaslang ng grupong Hamas.
Ayon kay Ordanes nakalulungkot na kailangan pa nilang malayo sa sarili nilang pamilya para mag-alaga ng seniors sa ibang bansa sa halip na dito na lang sa Pilipinas.
Kaya naman panawagan ng mambabatas na ma-amyendahan na ang Kasambahay Law.
Dito kasi aniya sa Pilipinas, itinuturing na yaya ang mga caregiver ngunit limitado lang ang pasahod kaya’t mas pinipili nila na magtrabaho sa ibayong dagat.
“I would like these implementors of the Kasambahay Law to refine the definition of the term “yaya” in the IRR of the Republic Act 10361. I believe there should be a distinction between a yaya of children and yaya of the elderly because although a yaya usually cares for children, there are households wherein the yaya cares for seniors, adults with special needs, and PWDs.” sabi pa ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes