Hindi totoo ang mga kumakalat na post sa social media na may ilang establisyimento sa lungsod Quezon ang nilooban ng mga armadong lalaki at natangayan ng malaking halaga ang mga customer.
Naglabas na ng pahayag si Mayor Joy Belmonte na ang mga post na ito’y pawang fake news na ang tanging layunin ay maghasik ng takot sa mga residente at sirain ang imahe ng lungsod.
Nagsagawa na ng kaukulang imbestigasyon ang Quezon City Police Department ukol sa mga nasabing post at napatunayang walang ganitong mga insidente.
Inaalam na rin ng pulisya ang mga pinagmulan ng post upang panagutin sa batas ang mga nagkakalat ng peke at mapanirang post.
Umapela sa publiko ang alkalde na huwag basta paniwalaan ang mga nakikita at nababasa sa social media.
Mas mainam aniyang suriin muna ang mga ito at alamin sa mapagkakatiwalaang news sources kung ito ba ay may katotohanan o wala. | ulat ni Rey Ferrer