Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat makulong habambuhay ang mga indibidwal na sangkot sa hazing death ng isang 25-year-old na estudyante ng Philippine College of Criminology (PCCr).
Nanawagan si Zubiri sa mga otoridad, na tiyakin na maaaresto at mabilis na mapapanagot sa batas ang mga sangkot sa initiation rites na naging dahilan ng pagkasawi ni Ahldryn Leary Bravente.
Ayon sa Senate Leader, nakakapanlumo ang bagong kaso na ito ng hazing death lalo’t halos walong buwan pa lang nang mangyari ang kaso ni John Matthew Salilig, na nasawi dahil sa welcoming rites ng Tau Gamma Phi fraternity.
Base sa mga ulat, nasa 12 miyembro ng pareho ring fraternity ang nasa likod ng pagkasawi ni Bravente, kabilang dito ang apat na nasa kustodiya na ng mga pulis.
Dapat aniyang mapatupad sa mga suspek na ito ang buong pwersa ng batas, partikular na ang parusang itinatakda ng Anti-Hazing law.
Binigyang-diin ni Zubiri, na dapat nang tuldukan ang ganitong klase ng kalupitan. | ulat ni Nimfa Asuncion