Inaasahan ng Philippine Air Force (PAF) na makukumpleto ni Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee ang kanyang Reservist Training.
Ito’y matapos na pagkalooban ng PAF ang Beauty Queen ng “Certificate of Attendance” sa paglahok sa ilang sesyon ng Basic Citizen Military Training (BCMT) sa kabila ng kanyang mabigat na skedyul sa paghahanda para sa beauty pageant.
Ang BCMT ay 30-araw na “intensive training” para ihanda ang mga sibilyan na sumuporta sa regular na pwersa sa panahon ng giyera, pagsalakay, rebelyon, at kalamidad; at tumulong sa socio-economic development efforts ng pamahalaan.
Kabilang sa huling batch ng PAF Reservists na nagtapos sa BCMT 2023-B nitong Sabado sina Philippine Airlines CEO Stanley Ng at aktor na si David Chua.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni Major General Elpidio Talja, Commander ng Air Force Reserve Command; kasama sina BGen. Charito B. Plaza, Commander ng 1st Air Force Wing Reserve; at Col. Ritza Ann Jovellanos, Commanding Officer, 1st ng Air Reserve Center. | ulat ni Leo Sarne
: PAF