Nakapagpakalat na ng kanilang service units ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para umalalay sa mga maii-stranded na pasahero dulot ng ikinasang tigil-pasada ng ilang transport group.
Ayon sa MMDA, dalawang bus units na nito ang kanilang ipinakalat sa bahagi ng Quirino Avenue sa Baclaran, Parañaque City na biyaheng Baclaran – Sucat.
May ipinadala na rin silang mga sasakyan sa ruta ng Zobel Roxas – Paco at Altura – Ramon Magsaysay Boulevard dahil apektado na rin ito ng tigil-pasada.
Nagpapasalamat naman ang MMDA sa mga Lokal na Pamahalaan na naglaan din ng kanilang asset para umalalay sa mga motorista.
Gayunman, sinabi ng MMDA na handa ang kanilang tanggapan na magpakalat ng karagdagang units sakaling kailanganin. | ulat ni Jaymark Dagala