Naniniwala si Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan na magdudulot ng accelerated economic growth sa Southern Luzon ang revival ng “Bicol Express”.
Ayon kay Yamsuan, magsisilbing game changer ang Bicol Express Rail Line ng Philippine National Railways dahil makalilikha ito ng daang libong trabaho para sa mga Bicolano.
Base sa pagtataya ng konstruksyon ng phase 1 ng proyekto, nasa 5,000 hanggang 10,000 construction jobs ang bubuksan kada taon.
Mangangailangan ang nasabing proyekto ng mga highly skilled railways engineers at iba pang technology-savvy workers para sa South Long-Haul Project.
Diin pa ng mambabatas, ang reconstruction ng Bicol Express ay hindi lamang maghahatid ng komportableng transportasyon bagkus magbibigay daan para buhayin ang economic growth sa pamamagitan ng turismo at pagpapaunlad ng mga maliliit na negosyo sa rehiyon.
Habang wala pa klarong direksyon mula sa China kung ipagpapatuloy pa nila ang pagpopondo sa proyekto, ayon sa mambabatas kinukunsidera ng Department of Transportation o DOTr ang Asian Development Bank at Japan International Cooperation Agency na siyang magpopondo ng electromechanical system ng proyekto.
Itinutulak naman ng mambabatas ang Public-Private Partnership para sa revival at modernisasyon ng proyekto upang tiyaking maipatutupad ito sa ilalim ng Marcos Jr. administration. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes