Mahalagang maabot ng National Broadband project ng pamahalaan ang malalayong probinsya gaya ng Sulu, ito ang pahayag ni Secretary Ivan John Uy ng Department of Information and Communications Technology o DICT sa kaniyang pagbisita sa lalawigan nitong Biyernes.
Ayon sa kalihim, isa ang Sulu sa mga unang probinsya na nakatanggap at naabot ng Broadband ng Masa o BBM Project na layon maghatid ng maganda at mabilis na internet connectivity sa mga pampublikong lugar at access sa online at digital services.
Sa pamamagitan programa dagdag pa ni Secretary Uy ihahatid ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ang iba’t ibang serbisyo lokal man at maging nasyonal dahil nakapaloob din dito ang kanilang e-LGU program at eGOV Application.
Sa pamamagitan nito mas madali aniya ang pag-access sa mga account at transaksyon sa iba’t ibang government agency tulad ng Pag-IBIG, SSS, GSIS, at maging ang pagkuha ng business permit, National ID, nagsusumikap din sila katuwang ang Department of Transportation na makakuha din ng digital driver’s license sa naturang app.
Kasabay ng pagpapasinaya ng Broadband ng Masa o Free WiFi for all project ng DICT nakatanggap ng tig isang Starlink Set ang 19 na bayan sa lalawigan.
Bukod dito, nauna nang naabot ng programa ang ibang tanggapan at ahensya ng pamahalaan ng BBM Project, kabilang na dito ang Bureau of Fire Protection Sulu, Integrated Provincial Health Office-Sulu, Sulu Provincial Government, DICT Provincial Office, mga Tech4Ed Center sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan at marami pang iba. | ulat ni Eloiza Mohammad | RP1 Jolo