Isusulong ng Anti-Terrorism Council na maideklara bilang terorista ang grupong Hamas.
Ito ang inihayag ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año kasunod ng pag-atake ng nasabing grupo sa Israel.
Ayon kay Año, bilang pakikiisa sa mga mamamayan ng Israel ay kanilang isusulong na maideklarang terorista ang Hamas sa ilalim ng Republic Act No. 11479, bilang priority agenda ng Anti-Terrorism Council.
Dagdag pa ng kalihim, mariin nilang kinokondena ang pag-atake ng Hamas laban sa estado at mga mamamayan ng Israel na tinawag nilang barbarikong pag-atake.
Iginiit ng NSC na may karapatang idepensa ng Israel ang kanilang bansa dahil sa pag-atakeng ito ng Hamas sa mga sibilyan.
Sa ngayon, nasa 1,200 indibidwal na ang nasawi sa nagpapatuloy na giyera sa Israel kabilang ang tatlong mga Pilipino. | ulat ni Diane Lear