Binuksan na kaninang hatinggabi ang NLEX Connector sa España hanggang Magsaysay Section.
Sinabi ni NLEX Corporation President Luigi Bautista, ang pagbubukas ng bagong section ay napapanahon sa inaasahang dagsa ng motorista para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections at Undas.
Bahagi din ito ng “Safe Trip Mo Sagot Ko” motorist assistance program ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na naglalayong pahusayin ang expressway services para sa mas ligtas, mas mabilis, at mas maginhawang paglalakbay.
Kaugnay nito, pananatilihin ng tollway company ang discounted rate na P86 para sa NLEX Connector hanggang sa susunod na abiso.
Ang 1.8km four-lane (2×2) NLEX Connector España hanggang Magsaysay Section ay inaasahang makabawas sa traffic congestion sa Metro Manila, lalo na sa mga pangunahing lansangan gaya ng EDSA at C5.
Mababawasan din nito ang travel time mula C3 sa Caloocan hanggang Magsaysay Boulevard sa Manila hanggang 8 minuto na lang.
Sa kabuuan, may tatlong interchanges ang NLEX Connector na matatagpuan sa C3 Road/5th Avenue sa Caloocan, España at Magsaysay Blvd. sa Manila. | ulat ni Rey Ferrer