Iniulat ngayong araw ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na nakabalik na ang kanilang online system.
Ito’y matapos ang pag-atake ng MEDUSA ransomware sa online system ng state health insurer noong Setyembre 22 o may dalawang linggo nang nakalilipas.
Sa pulong balitaan ngayong araw, sinabi ni PhilHealth President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma, mariin nilang kinukondena ang nangyaring pag-atake.
Ang mga ganitong klaseng hakbang aniya ng mga kriminal ay hindi katanggap-tanggap lalo’t nilagay nito sa kompromiso at pangamba ang kanilang mga miyembro gayundin ang publiko.
Maliban sa kanilang corporate website, sinabi ni Ledesma na balik na rin ang kanilang member portal gayundin ang kanilang electronic o e-claims. | ulat ni Jaymark Dagala