Kinastigo ni Senate Committee on Agriculture chairperson Senadora Cynthia Villar ang pag-aangkat ng Department of Agriculture (DA) ng imported chemical fertilizer at ang paglalaan ng ahensya ng P10-B para dito.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee sa panukalang 2024 budget ng DA, pinunto ng senadora na maaari namang ilaan na lang ang pondo sa pagpapatayo ng mga composting facility para makagawa dito sa bansa ng organic fertilizer mula sa kitchen at garden waste.
Inihalimbawa ng senadora ang ginawa nila sa Las Piñas City kung saan sa ngayon ay mayroon na nakakagawa ng 89 tons ng organic fertilizers kada buwan mula sa kanilang mga composting facilities.
Bukod sa libreng fertilizer ay nakakatipid rin aniya ang lokal na pamahalaan ng siyudad ng hanggang P300 million kada taon sa pagtatapon ng basura.
Sinabihan rin ni Villar ang DA na temporary solution lang sa anumang supply shortage ang pag-aangkat.
Ang permanente aniyang solusyon ay ang makapag-produce ang ating bansa ng sarili nating pangangailangan.| ulat ni Nimfa Asuncion