“Done deal” na o hindi na mababago ang desisyon ng Kongreso na alisan ng confidential fund ang ilang ahensya sa ilalim ng panukalang 2024 National Budget.
Ito ang sagot ni House Appropriations Committee Chair Elizaldy Co nang matanong kung mapaninindigan ba ng Kamara ang desisyon nito na tanggalin ang confidential funds ang nasa limang ahensya oras na sumalang ang Budget Bill sa Bicameral Conference Committee.
Ani Co, nang i-anunsyo ng Kamara na magre-realign ito ng confidential fund ay agad na sumang-ayon ang Senado.
“No’ng nag announce kami ng we’ll realign the confidential fund, nag-agree kaagad, nag-bow down kaagad ang Senate. First time po ‘yan na sabi ng Senate, we’ll follow what the House said, and Senator Risa nabasa ko pa, na (she said) “we will follow our colleague.” And I heard nag-executive committee kaagad sila. That’s their decision, so parang I think it’s already a done deal,” ani Co.
Batay sa desisyon ng small committee ng Kamara na naatasang tumanggap at plantsahin ang institutional amendments para sa 2024 General Appropriations Bill (GAB), ang CF ng Office of the Vice President, Department of Education, Department of Information and Communications Technology, Department of Agriculture, at Department of Foreign Affairs na may kabuuang halaga na ₱1.23-billion ay inilipat na sa frontline agencies na nagbabantay sa national sovereignty partikular sa West Philippine Sea.
Kabilang sa mga ito ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), at Philippine Coast Guard (PCG). | ulat ni Kathleen Jean Forbes