Binigyan na ng pamahalaan ng go signal ang dalawang karagdagang proyekto na isasagawa sa ilalim ng public-private partnership o PPP na layong mapabuti ang imprastraktura ng bansa sa larangan ng kalusugan at transportasyon.
Sa katatapos lamang na NEDA Board meeting kahapon sa Malacañang, inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang Dialysis Center PPP Project para sa Renal Center Facility ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) at ang Upgrade, Expansion, Operation, and Maintenance of the Bohol-Panglao International Airport Project.
Significant milestone umano ito ayon sa Public-Private Partnership Center of the Philippines dahil sa inaasahang tulong ng dalawang PPP projects sa mga hakbang para sa pag-unlad ng imprastraktura ng bansa.
Maliban sa dalawang nabanggit na proyekto, nauna nang inaprubahan ng Board ang University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) Cancer Center at ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) PPP projects na kasalukuyang sumasailalim sa proseso ng bidding. | ulat ni EJ Lazaro