Bilang pakikiisa sa Israel, gagawing prayoridad ni National Security Adviser Sec. Eduardo Año ang pagsulong ng designasyon ng Anti-Terrorism Council sa Hamas bilang teroristang organisasyon sa ilalim ng RA 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Ito ang inihayag ni Sec. Año sa isang statement kasunod ng teroristang pag-atake ng Hamas sa Israel kung saan mahigit 1,200 ang nasawi kabilang ang dalawang Pilipino, at mahigit 3,000 ang sugatan.
Ayon sa kalihim, ang pag-atake ay “barbaric terrorist assault” na sadyang tinarget ang mga sibilyan at may karapatan ang Israel na ipagtanggol ang kanyang sarili.
Mariing kinondena ni Sec. Año ang naturang insidente kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga biktima.
Sinabi ni Año na kaisa niya ang Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na umaasa sa mabilis na resolusyon sa sitwasyon, at nagpapasalamat sa Israel sa pagsisikap na mapangalagaan ang mga Pilipino sa naturang bansa. | ulat ni Leo Sarne